Saturday in the Octave of Easter – Mark 16:9-15
Dahil sa pinagdaraanan nating krisis na dulot ng pandemya, natural lang na marami tayong maririnig na bad news sa TV at sa social media. Ang payo sa atin ng mga mental health specialists, kung di na kayo makatulog dahil sa sobrang pag-aalala at pagkaaburido sa mga nangyayari, iwas muna sa mga ganyang balita. Bukod sa physical health pag-aralan din naman nating alagaan ang ating mental and spiritual health. You can only take so much, ika nga, kaya stop lang muna sa pakikinig sa bad news. Sa hindi mo nalalaman, natatanim sa subconscious mo ang mga ganyang balita at sa pagtulog mo, magiging bangungot ang iyong mga panaginip.
Pero, paano tayo makakarinig ng ng good news kung walang magbabalita nito? Bakit kaya mas mabenta ang bad news kaysa good news? Simple lang ang sagot ko diyan—dahil sa ibang tao, ang good news ay bad news. Tulad sa ating first reading. Good news—isang pulubing lumpo mula sa pagkabata naibangon at naitayong muli nina San Pedro at San Juan sa ngalan ni Hesus. Good news iyon kahit sa mata ng mga makapangyarihang miyembro ng Sanedrin sa Jerusalem. Pero para sa kanila bad news ito dahil nangyari sa ngalan ni Hesus. E pano bang hindi bad news, sila ang nagpapako kay Hesus sa krus gayong wala naman itong kasalanan.
Kaya paulit-ulit nilang sinasaway ang mga apostol na tumahimik na lang at huwag na muling magsalita sa ngalan ni Hesus. Ibig sabihin—lahat puwede, hindi naman bawal magsalita o magpagaling ng maysakit, o gumawa ng kahit anong kabutihan, huwag lang babanggitin ang pangalan ni Hesus. Bakit? Dahil sampal iyon sa awtoridad at kredibilidad nila.
Iyon ang pinagmumulan ng lahat ng bad news: ang ego, sobrang pagkabilib sa sarili na walang makitang kabutihan na labas sa sarili.
Kaya pala pasaway ang dating ng mga apostol na nagpahayag ng mabuting balita. Hindi pala madali ang maghatid ng mabuting balita. Madami kang makakalaban na mga alagad ng masamang balita. Puwede mong ikamatay ito. Malaking negoso nga naman kasi ang bad news.
Ang mga maghahatid ng good news ay iyung nakaranas na nito. Tulad ni Magdalena na dating alipin daw ng pitong dimonyo at pinalaya ni Hesus, di ba good news iyon? O iyong dalawang alagad na tumiwalag na at tumakas pero bumalik sa Jerusalem sa piling ng mga kapwa alagad matapos makilala si Hesus, hindi ba good news iyon?
Pero hindi sila pinaniwalaan. Hindi naman talaga madali ang maghatid ng good news. Ang kalaban ay tàkot, pag-aaalinlangan at katigasan ng puso, sabi ni San Markos. Ito ang madalas samantalahin ng dimonyo at nagiging dahilan ng paghihinagpis at kawalan ng pag-asa. Ito ang unang pinapawi ng Kristong muling nabuhay sa kanyang mga kaibigan upang gawin silang mga alagad ng good news.
Take note, ang good news ay hindi lang para sa mga tao. Sabi niya, “Ipahayag ninyo ang mabuting balita sa buong sangnilikha (good news to all creation).” Dito tayo madalas magkamali—kapag inisip nating ang good news ay para sa mga tao lamang, kapag ang tingin natin ay may silbi lang ang ibang mga nilikha kung magagamit sila ng mga tao para sa sarili niya.
Madalas nating makalimutan hindi tayo nilikha ng Diyos upang maghari-harian na para bang pag-aari natin ang daigdig. Tayo ay bahagi lang ng daigdig, o ng sangnilikha. Tayo ay katiwala, tagapangalaga. Ang mundo ay tahanan, hindi lang para iilan kundi para sa lahat, hindi lang para sa tao kundi para sa maraming mga kapwa nilikha natin.
Good news, ang ugaling iyon na mahilig sa bad news ay bahagi ng lumang pagkatao na puwede na nating talikuran at itakwil. Bahagi na tayo ng bagong pagkataong kaloob ni Hesus: pagkataong binago ng kanyang pagkaDiyos. Kung ibig nating maging alagad ng good news, pumasok tayo sa bagong pagkatao na inaalok niya. Pagkataong hindi nag-iisa, hindi makasarili, hindi nagdiDiyos-diyosan. Pagkataong higit na mas maganda dahil nakaugnay sa pagkaDiyos.
Ang good news ay si Hesus. Matututo lang tayong magpahayag ng good news sa ngalan ni Hesus. Pwede tayong magsalita sa ngalan ni Hesus—hindi ng salitang walang laman at kabuluhan kundi ng salitang makapangyarihan at nakapagbabago. Sa ngalan ni Hesus matutuklasan natin ang tunay nating kapangyarihan: ang kapangyarihan ng pag-ibig na di sumusuko, kapangyarihan ng habag at malasakit, kapangyarihang kinatatakutan ni Satanas.
Totoo, nadi-depress tayo sa mga bad news, sa mga bagay na kasuklam-suklam tungkol sa ating pagkatao na lumalabas pag panahon ng krisis. Pero pwede pala nating baguhin ito. Pwede pala tayong maging mga alagad ng good news sa pamamagitan ng pakikibahagi sa bagong pagkatao ni Kristo. Pwede palang magpahayag ng good news sa Ngalan niya na nabubuhay at nagpapatuloy ng kanyang misyon sa pamamagitan natin. Kay Kristo, naibangon na ang pagkatao natin—naging mas marangal, mas maganda, naging tunay na larawan ng pagkaDiyos ng Diyos.
May pinausong panalangin si Santa Teresa de Avila, na magandang ibahagi sa mga nililigalig ng masamang balita: NADA TE TURBE.
Huwag mabahala, huwag maligalig, kung nasa iyo ang Diyos, ano ang iyong kakailanganin?
Huwag mabahala, huwag maligalig
Diyos lang ang sasapat.